Alamat ng Bato
Alamat ng Bato
"Ano ba naman kayong mga batang kayo? Ang aga-aga pinaiyak ninyo ang anak ko! " galit na saway ng ginang
" Nasaan ba ang nanay ninyo?" Tanong pa nito
"Nasa bahay, bakit ba? " tugon ni Baba
"Aba bata ka, ang kapal ng mukha mo ah. Nasaan ba nanay ninyo at kakausapin ko"
"Nasa bahay nga!" Sambit naman ng bunso
"Belen! Hoy Belen!" Tawag ng ginang
"Oy, mareng Tes, magandang umaga . Naparito kayo. Anong atin? " Magiliw na bati ni Belen
" Hoy! Pagsabihan mo ang dalawang bata mo ha na matutong gumalang sa nakatatanda at huwag ng maghahanap ng gulo!"
"Ako na po ang humihingi ng pasensya sa mga anak ko mareng Tes"
Ang kanilang ina ay nag-aalala na sa kanyang dalawang anak. Parati nalang siyang nakarinig ng reklamo mula sa kanilang mga kapitbahay tungkol sa kalupitan ng kanyang mga anak.
Inisip niya kung ano ang gagawin niya upang tumino ang dalawa. Kaya bilang solusyon, hindi niya pinalabas ng bahay ang dalawa.
Pista sa kanilang nayon at binabalaan ng ina sina Baba at Toto na huwag na huwag lalabas sa kanilang bahay dahil baka ano na namang gulong ang maidudulot ng dalawa.
" Mga anak, pupunta ako sa bayan ngayon. Kaya , gaya ng bilin ko sa inyo huwag na huwag kayong lalabas ngayon lalo pa't pista" bilin ng kanilang ina.
"Opo, inay" tugon ng dalawa.
Nang umalis na ang kanilang ina. Agad napangiti ang dalawang bata.
"Sa wakas , nakaalis na si inay" nakangiting pahayag ng panganay
"Oo nga kuya, maraming handa si aling Rosa ngayon . Tiyak, mabubusog na naman tayo" sambit naman ng bunso
"O, ano pa ang hinihintay natin. Tara na! "
Nagtungo nga ang dalawa sa pista. Habang nandoon sila ay pasimple nilang kinuha ang mga paninda ng mga tao roon. Pinapasa-pasa nila ito upang hindi mahuli ng mga nagtitinda. Hanggang sa narating nila ang pwesto ng isang matandang babae na nagtitinda ng mga kakanin. Nang akmang kunin na ni Toto ang paninda nito ay nahuli siya ng matanda. Dahil doon dali-daling kumaripas nang takbo ang bunso at inabot sa kanyang kuya ang nadampot na kakanin. Nagalit ang matanda sa ninakaw nila kaya nagbitaw ito ng masasakit na salita sa dalawa.
" Kayo dalawang bata kayo, sa oras na kakainin ninyo ang panindang ninakaw niyo mula sa akin ay magiging isang bagay kayo na napakatigas dahil sa katigasan ng inyong mga ulo. Kakainisan kayo ng mga tao dahil kapag makasalubong kayo ay magiging balakid kayo sa kanilang paglakabay!"
Pinagtatawanan lang dalawang bata ang pahayag ng matandang babae at nagmamadaling umuwi.
Pagdating ni Aling Belen sa bahay nila ay wala doon ang kanyang mga anak. Kaya napaisip siya na nagpunta ito sa pista. Hinanap niya doon at kahit isa walang makapagsabi kung saan ang dalawa. Hanggang naabutan na siya ng dilim kahahanap sa dalawa. Umuwi siyang bigo sa kanilang bahay.
Lumipas ang ilang mga araw at hindi pa rin nakita ang kanyang dalawang anak. Araw-araw malungkot si aling Belen at makikitang parang may malalim na iniisip.
Habang nakatulala si aling Belen sa kanilang bahay ay may napansin siyang malaking bagay na tumubo sa kanilang bakuran . Nilapitan niya ito at hinawakan. Napakatigas ng bagay na iyon kasintigas ng ulo ng kanyang anak na sina Baba at Toto. Tinawag niya ang kanyang mga kapitbahay at tinanong kung ano ang bagay na iyon. Napaisip ang mga tao na baka ito ang nawawala niyang anak na sinumpa ng matandang babae.
Mula noon ang bagay na iyon ay tinawag na Baba at Toto bilang pag-aalala sa dalawang batang matigas ang ulo. Hindi lumaon tinawag ito na Bato.
.jpeg)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento